©LightNovelPub
Infinito: Salinlahi-Chapter 87
Chapter 87 - 87
Sa kanilang pagpasok sa loob ng kubo ay bakas pa rin doon ang mga naiwan ng kanilang mga magulang. Sa lumang mesa, nakapatong pa ang dalawang pares ng baso at plato. Itinayo ni Liyab ang isang bangkong nakatumba at hinaplos niya ang namumuong alikabok sa ibabaw ng mesa. Tila nakikita naman nila ang imahen ng kanilang mga magulang na kumakain at nagtatawanan sa harapan ng mesa. Ang maliit na kusina ay may kakaunting kagamitan lamang, luma na ang mga ito at makapal na rin ang nakabalot na alikabok.
"Dito ba sila bumuo ng pamilya? Nakakatuwa namang isipin na makikita ko ang lugar na ito kahit sa ganitong sitwasyon natin. Ayos lang ba kung magdrama muna ako?" Naiiyak na tanong ni Esmeralda. Nang marahang tumango si Liyab ay tila doon na nagkaroon ng lakas ng loob si Esmeralda na mangulila sa kanilang mga magulang. Tumulo ang masasaganang luha niya kasabay ng pagbuhos ng pangungulila sa kaniyang sistema.
Dinampot niya ang isang walis at nilinis ang sahig, maging ang mesa at lahat ng kasangkapan ay inalisan nila ng alikabok. Tulong-tulong silang naglinis hanggang sa bumalik sa ayos ang kabuuan ng kubo. Napangiti si LIyab at Esmeralda, magkahawak kamay silang bumulong sa hangin, animo'y kinakausap ang kanilang mga magulang.
Sikat na ang araw nang magpahinga sila. Nang mga panahon iyon, tila sinabayan nila ang pahinga ng mga aswang. Alam nilang sa gabi pa sasalakay ang mga aswang dahil mahina sila sa umaga. Kaya hangga't maaari sinikap nilang makatulog nang araw na iyon. Hapon nang paisa-isa na silang nagising. Paggising naman ni Esmeralda ay nakita niyang maraming prutas na ang nakalapag sa mesa. May baboy-ramo ring kinakatay si Liyab sa labas habang si Dodong naman ay nagsisiga ng apoy sa harapan.
"Nangaso kayo?" tanong ni Esmeralda habang papalabas ng kubo.
"Gising ka na pala ate, opo nangaso kami ni Uran, si Kuya Liyab naman ang kumatay tapos iihiawin na lang natin ng buo dito sa apoy mamaya," sagot ni Dodong. Si Maliya naman ay naglilinis ng mga dahon ng tanglad at hinuhugasan ito sa tarog na nasa gilid lang ng kubo. Namangha naman si Esmeralda dahil kahit napabayaan na, may tubig pa ring lumalabas sa tarog na iyon.
"Ang galing ate noh, sinundan ko ang tarog na iyan at konektado siya sa bukal doon sa bandang itaas. May malaking talon din roon na magandang paliguan, malapit lang dito, iyon pala ang naririnig kong lagaslas ng tubig, ang akala ko ay may ilog sa banda rito." saad ni Dodong.
Napangiti naman si Esmeralda. Napagtanto niyang hindi naging mahirap ang buhay para sa kaniyang mga magulang. Sagana ang lugar na ito at payapa sana, kung hindi lamang dahil sa mga aswang at itim na engkanto na ganid sa kapangyarihan.
"Isang mahomanay si ama, kaya, sisiguruhin niyang nasa maayos na lugar ang titirhan nila, lalo pa at pinagbubuntis tayo ni ina." sabat naman ni Liyab. NAtapos na nitong linisan ang baboy at nakatuhog na rin sa malaking kawayan. Nailagay na rin ng binata ang mga inihandang pampalasa para rito. Dahil tatlo lamang silang tao roon at nangangailangan ng pagkain, ay naging higit pa iyon sa kanilang inaasahan. NAparami ng kain si Dodong at Esmeralda. freёnovelkiss.com
"Kailangang busog tayo bago sumapit ang gabi," sambit pa ng bata habang nginangasab ang karne. Sarap na sarap sila, maging si Uran ay nakikikain na rin kahit pa pagkain iyon ng tao. Sinasabayan niya si Maliya at ito na rin ang naghahain sa bata. Si LIyab naman ay nakangiting nakatingin lang sa kanila habang nagkakasya sa mga prutas na pagkain niya. Bilang isang mahomanay, isang kalapastanganan ang kumain ng mga hayop na siyang kaniyang pinangangalagaan. Ngunit dahil isang tao ang kapatid niya ay wala siyang magawa kun'di ang hayaan at bigyan ito ng pangangailangan niya.
"Ayaw mo ba talagang kumain Liyab, si Uran kumakain din naman o," puna ni Esmeralda.
"Hayaan mo na ate, hindi talaga kakain si kuya dahil isa siyang mahomanay. Kung nakita mo lang siyang umiiyak kanina habang kinakatay ang hayop, naku, baka maawa ka rin sa kaniya." bulong ni Dodong.
Napalingon naman si Esmeralda sa kapatid, bago binalingan si Dodong at bumulong. "Umiyak si Liyab?"
"Oo ate, alam mo kasi, maawain ang mga mahomanay sa hayop, ayaw nilang nasasaktan ang mga ito. Pero dahil kailangan natin ang pagkaing ito, kinailangang siya ang kumatay sa hayop para maipagdasal niya ng maayos ang kaluluwa nito." sagot ni Dodong sa pabulong ring paraan. Tumango naman si Esmeralda nang maunawaan ang sitwasyon. Hindi na niya pinilit pang kumain si Liyab at naging tahimik na ang kanilang pagkain. Sa paglubog naman ng araw ay nagsimula nang magbago ang ihip ng hangin.
Nakaaamoy na rin sila ng bahagyang pagbaho nito, hudyat na papalapit na sa gawi nila ang mga aswang. Ang kakaibang lansa sa hangin ang nagsilbi nilang palatandaan upang makapaghanda at maging alerto sa kanilang paligid. Maya-maya pa ay naging tahimik ang paligid. Nawala ang tunog ng mga panggabing insekto, maging ang mga huni ng ibon. Napalitan ito ng mga nagmamadaling yabag at mga kaluskos sa sa paligid.
Nakabibingi ang sumunod na katahimikan, tila nilamon ng dilim ang lahat ng tunog kasabay ng paglubog ng araw. Ang mga puso nila’y sabay-sabay na kumabog sa kaba habang pilit na pinakikiramdaman ang bawat sulok ng kagubatan. Muli nilang naamoy ang masangsang na amoy na ngayon ay mas naging malakas, mas mariin, at mas mapanghi, na tila pinaghalong dugo, bulok na laman at dumi ng hayop.
“Humanda na kayo,” mahinang bulong ni Esmeralda habang inaabot ang itak sa kanyang tagiliran. Sumunod agad ang iba, hawak-hawak ang kanilang mga sandatang yari sa pilak. Magkatalikuran silang nag-aabang at nasa gitna nila si Maliya na noo'y may dakot nang asin na nakahandang isaboy sa sinomang magtangkang umatake sa kaniya.
Mula sa likuran ng mga punongkahoy, may mga matang kumikislap sa kadiliman. Isa, dalawa, tatlo... hanggang sa nagsilabasan ang maiitim, payat, at nakaririmarim na anyo ng mga nilalang na may matutulis na kuko, mahahabang dila, at mga pakpak na parang sa paniki.
“Nandito na sila!" Umalerto ang lahat, habang dahan-dahang lumalapit sa kanilang kinatatayuan ang mga aswang ay pilit naman nilang inaalam ang kinaroroonan ng kanilang hari.
"Liyab, wala ang hari. Kami na ang bahala rito, alamin mo ang kinaroroonan niya, hindi puwedeng masalisihan tayo ng isang iyon, siguradong pupunteryahin niya ang lagusan habang nagkakagulo." Wika ni Esmeralda at napatango si Liyab. Naglaho si Liyab sa hanay nila at muling naging alerto si Esmeralda.
Biglang dumagundong ang lupa, sinundan ng nakabibinging alulong ng mga aswang. Mula sa makakapal na halaman at nagtatayugang puno sa paligid, isa-isang lumitaw ang mga nilalang, bakas sa mga ito ang pagkagutom at pagkauhaw sa d*go.
Nang magsimula amg labanan sa pagitan nila ay doon na natuon amg atensyon ni Esmeralda. Walang bhabas niyang pinaulanan ng taga ang mga aswang na malapit sa kaniya. Humakbang siya pasulong at gamt ang kaniyang isang kamay ay pinulupot niya ang kaniyang hawak na latigo sa sa leeg ng aswang na nahuli niya. Marahas niya itong ibinalibag sa lupa at hindi pa man ito nakakabawi ay walang awa niyang sinaksak ang dibdib nito ng kaniyang itak.
"Dong, protektahan mo si Maliya!" Sigaw ni Esmeralda habang patakbong sinalakay ang isa pang aswang na malapit sa kaniya. Sa isang malakas na bigwas ay tumalsik ang ulo nito sa lupa. Naging mas mad*go ang gabing iyon at napakarami ng aswang na umatake sa kanila. Halos maubusan nang hangin sina Dodong at Esmeralda dahil sa dami ng umaatake sa kanila. Tila ba hindi nauubos ang mga iyon at lalo lamang dumarami.
"Wala bang katapusan ang mga ito? Bakit parang lalo silang dumadami?" Humihingal ang tanong ni Dodong. Iwinaksi nito ang kaniyang itak na ngayon ay balot na ng d*go. Mula sa kaniyang tagiliran ay kinuha niya ang isang balaraw at hinugot niya ito sa taguban. Ang kaliwang kamay naman niya ay dumukot sa kabila niyang bulsa at mula doon ay isang hiwa ng karne ang kaniyang kinuha at walang kaabog-abog ma isinubo.
"Kahit magdamagan, hangga't may baon ako, hindi ko kayo titigilan. Tara, laban na ulit." Sigaw ni Dodong at patakbong inatake ang aswang na malapit sa kaniya. Maliksi kumilos si Dodong at hindi tulad ng ibang bata, mas batak ang mga kalamnan nito na kayang humiwa ng aswang sa isang bigwas lamang.
Tila nag-slow-mo ang paligid habang walang kahirap-hirap na pinutol ni Dodong ang ulo ng aswang mula sa katawan nito.
Katulad ng sinabi ni Esmeralda, ang kaguluhang iyon ay isang dibersyon lamang. Mula sa isang parte ng gubat, lumabas ang haring Hanagob. Nakangisi ito, habang palalapit sa kubo. Walang nakakapansin sa kaniya dahil ang lahat ay abala.
Iyon ang akala niya, dahil nang mga oras na iyon ay nagkukubli lang din si Liyab at tahimik na nakamasid sa kaniya.
Nagpatuloy ang kaguluhan, at dahil mas higit na marami ang mga aswang, nauubusan na rin ng lakas ang hanay nina Esmeralda. Kahit may dugo silang engkanto, kalahati pa rin ng pagkatao nila ay tao at may limitasyon.
Habang tumatagal ang pakikipaglaban nila ay lalo lang silang napapagod at nanghihina.
"Manghihina kayo at mamimilipit sa sakit!" Sigaw ng isang tinig mula sa kawalan.